TUKLASIN
Panuto: Basahin ang maikling kwento sa ibaba at sagutin ang kasunod na mga tanong. Gamitin ang sagutang papel.
Angking Galing Jovylin Abueva Macawile Ang batang si Lito ay anak ng isang pamilyang may mga angking galing. Ang kanyang amang si Mang Leonardo ay magaling sa pagguhit. Lagi siyang kinukuha na magpinta ng mga mural sa mga paaralan, munisipyo, at simbahan sa kanilang lugar.
Si Aling Mila naman na kanyang ina ay isang guro sa musika. Taglay ni Aling Mila ang galing sa pagkanta at pagtugtog ng kahit na anong instrumentong pang- musika. Maliban sa pagiging guro, naibabahagi niya ang kanyang talento sa musika sa kanilang pamayanan sa pamamagitan ng pagbuo ng choir sa kanilang simbahan at barangay.
Ang nakakabatang kapatid naman ni Lito si Mara ay magaling sa pagsasayaw. Lagi siyang sumasali sa mga palatuntunan at paligsahan sa pagsayaw sa kanilang paaralan at maging sa barangay. Lahat sa kanyang pamilya ay may angking galing kaya sa palagay ni Lito ay siya lang ang natatanging walang galing. Isang umaga ay napatanong siya sa kanyang ina. “Nanay, ano po kaya ang aking talento?”, mapang-usisang tanong ni Lito. “Si Tatay magaling sa pagguhit. Ikaw naman po sa pagkanta. Si Mara naman sa pagsayaw. Ako po parang hindi ako magaling sa kahit na ano.” “Anak, lahat tayo ay may angking galing. Tayong lahat ay biniyayaan ng ating Dakilang Lumikha ng mga natatanging galing. Hindi ibig sabihin na dahil hindi ka magaling gumuhit, kumanta o sumayaw ay wala ka ng talento o hindi ka magaling,” paliwanag ni Aling Mila.
“Tama ang Nanay mo, Lito,” sagot naman ni Mang Leonardo. “Di ba magaling ka sa paggawa ng kung ano-anong likha gamit lang ang mga bagay na patapon na? Diyan ka magaling, anak sa gawaing iyan. Ipagpatuloy mo lang iyan,” dagdag na sabi ng tatay niya. “Ang galing mo nga, Kuya gumawa ng mga laruan mula sa mga lata, tsinelas, at mga turnilyong wala ng gamit.” Sambit ni Mara. “Pagkamalikhain ang tawag diyan, mga anak. Ang tulad mo, Lito na may kakayahang makaisip o makabuo ng nga ideya at bagay na mapapakinabangan pa ay isang talento.
Ibig sabihin din niyan ay malawak ang iyong imahinasyon. Magtiwala ka lang sa iyong sarili at mapapaunlad mo pa ang iyong talento,” paliwanag ng kanilang ina. “Salamat po sa paniniwala ninyo na mayroon akong talento. Ngayon po ay alam ko na ang aking angking galing na aking pagtutuonan ng pansin,” ang tugon ni Lito. “Tama iyan, Lito. Iyang galing mong iyan ang iyong pagtuonan ng pansin at tiyak na ikaw ay mas lalo pang gagaling,” payo ng kanyang ina. “Sa susunod na linggo, Kuya, may paligsahan sa paggawa ng Scrap Art sa paaralan nabasa ko sa bulletin board. Sumali ka kaya, Kuya. Siguradong mananalo ka,” masiglang sabi ni Mara. “Sige, Lito, sumali ka sa paligsahang iyan nang mapagtibay mo pa ang iyong angking galing,” payo ni Mang Leonardo. “Opo, sasali po ako. Bukas na bukas po ay magpapalista ako,” magalang tugon ni Lito. Sumali si Lito sa Scrap Art Contest sa kanilang paaralan at siya ang nakatanggap ng unang gantimpala. Siya rin ang magiging kinatawan ng kanilang paaralan sa paligsahang pandistrito sa paggawa ng scrap art.
“Nanalo po ako! Napatunayan ko pong may angking galing ako. Ngayon pong alam ko na kung saan ako magaling, pagbubutihan ko pa,” masayang sabi ni Lito. “Iyan ang tama, anak. Ipagpatuloy mo iyan,” sagot ng kanyang ina. Tuwang-tuwa ang lahat at nagkaisang ipagpapatuloy na pagbubutihin ang kanilang mga angking galing.
Sagutin ang mga katanungan sa sagutang papel.
1. Bakit inakala ni Lito na wala siyang talento?
2. Ano-ano ang talentong angkin ng mag-anak?
3. Ano ang sinalihan ni Lito na nagpatunay sa
kanya na mayroon siyang natatanging galing?
4. Anong aral ang natutuhan mo sa kwento?
5. Ikaw, anong talento ang taglay mo?
Answer: